Saturday, February 11, 2006
Hindi na ko Iiyak
Ibinaba ko ang telepono at napaupo ako sa sahig. Pumikit ako. Parang biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Hindi ko na namalayan nang tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata.Malinaw pa sa aking alaala noong unang beses akong umiyak dahil sa iyo. Pareho tayong pitong taong gulang. Sinabihan mo ako ng lampa at hindi na isinali sa ating magkakalaro. Sabi mo paano ako sasama sa mga laro eh hindi ako marunong mag-bike, mag-jumping rope, mag-jackstone. Hanggang grade 3 lang ako sa chinese garter, hindi ko rin magawa-gawa ang teddy bear at tsumatsamba lang ako sa 10-20. Hindi ko naman kasalanan na hindi talaga ako pisikal na tao. May asthma na ako mula nang ipinanganak ako kaya hindi ako masyadong pinapalabas ng mga magulang ko para maglaro.
Pangalawang beses ay nang malapit na tayong magtapos sa elementarya. Kinausap mo ako isang araw at sinabing hindi ako magiging valedictorian ayon sa ating adviser. Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang bagay na iyon. Limang taong sunud-sunod akong first honor, hindi pwedeng hindi ako ang maging valedictorian. Iniwan kita at umiyak ako sa banyo ng mga babae. Seryosong-seryoso ka kasi nung sinasabi mo yun kaya akala ko totoo. Niloloko mo lang pala ako, dahil nalaman mong ako na nga ang valedictorian.
Umiyak din ako nung JS Prom natin nung high school nang sinabi mo sa akin ang totoo na may ibang girlfriend ang ultimate crush ko. Sabi mo ayaw mo akong saktan pero kailangang sabihin mo ang totoo para mamulat ako sa katotohanan. Sabi mo pa, itigil ko na ang pag-iyak kasi nasisira ang make-up ko, sayang naman.
Nang sumunod, naiyak ako nang makita kitang umiiyak. Sabay tayong nagluksa sa pagkawala ng lolo mo. Sabay tayong hindi natulog nang kung ilang gabi para maglamay. Maghapon at magdamag ako sa burol, daig ko pa ang kamag-anak.
Matagal ding hindi mo ako pinaiyak. Hanggang ipinasya ng mga magulang mo na sa Amerika na kayo manirahan. Naaalala ko pa ang eksena sa airport. Kumawala ka mula sa pagkakayakap ko, hinawakan mo ang mukha ko, pinahid ng panyo ang mga luha at tumingin ka sa aking mga mata.
"Ipangako mo sa akin na ito na ang huling beses na iiyak ka dahil sa akin, ha?"
Umiling ako habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha.
"Please, promise me," ang sabi mo habang pinipigilan ang mga luha mo.
"Okay, okay, I promise."
Nag-crash ang eroplanong sinasakyan nila. Kanina lang na-identify ang mga bangkay. Wala na siya.
Umiiyak na naman ako, hindi ako tumupad sa pangako.
XOXOXOXOXOXO
by jpaul [from peyups]
Labels: articles